October 13, 2013

Para sa iyo

Para sa iyo,

                Hindi turol ng aking isip kung bakit ko nga ba ito ginagawa. Bakit ko nga ba hawak ngayon ang isang pudpod na lapis at nagsusulat sa lumang notebook na saksi ng aking mga kasawian at pakikibaka sa buhay nitong mga nagdaang taon? Pwede ko naman isigaw na lamang ang mga katagang nais kong sabihin at tiyak na maririnig mo, sapagkat alam kong sa tuwina’y palagi kang nakamasid.

                Ako’y nasa huling pahina nang aking taalarawan kaya marahil ang ginagawa kong ito’y sa kadahilanang nais kong maging bahagi ka rin ng mga pangyayaring naganap sa aking buhay kahit sa pamamagitan lamang ng liham na ito.

                Gusto ko lamang naman ipaalam sa iyo ang mga katagang sana’y nasabi ko sa iyo ng personal. Mga bagay na sana’y nagawa ko sa iyong pisikal na katauhan.

                Noon, naiingit ako sa mga kapitbahay nating bata dahil sa tuwing aabutin kami ng takip-silim sa labas dala ng pagkawili sa paglalaro’y kaagad silang sinusundo ng mga magulang nila upang kagalitan. Samantalang ni isa ay walang sumusundo sa akin o dili kaya’y nagagalit, ngunit kailanman ay hindi ako nagdamdam. Sapagkat sa murang isip ko’y pilit kong inintindi ang sitwasyon.

                Lumipas pa ang maraming taon. Nagsimula kong kwestyonin ang aking katauhan. Nasaan na ba ang papa ko? Bakit wala siya sa tabi ko? Bakit wala silang picture ng mama ko? Bakit wala kaming picture na dalawa? Bakit hindi namin siya kasama? Bakit sa pag-akyat sa entablado tuwing tatanggap ako ng parangal ay hindi kasama ni mama si papa? Ilang mga katanungan paulit-ulit na umuukilkil sa aking utak.

                Nanatili akong mapagmasid. Atubili akong magtanong dahil kinatatakutan ko ang magiging kasagutan. Hanggang unti-unti kong natanto ang dahilan mula sa paaralan. Hiwalay na pala kayo ni mama. Ngunit bakit ni minsan man lang ay hindi mo kami dinalaw? Nasasabik lamang naman akong yakapin ka’t mahagkan. Gusto ko lamang naman madama ang iyong pagmamahal.

                Umasam akong darating din ang araw na iyon. Na makikita rin kita’t makikilala sa personal. Na ikaw pa rin ang maghahatid sa akin sa altar oras na dumating ang takdang panahon. Subalit, hanggang pangarap na lamang pala ang mga bagay na iyon…

                Pasko noon… sa gulat ko’y nag-aya si mamang dalawin ang lola—ang iyong ina—sa tahanan ng mga ito. Nasiyahan ako. Sa wakas. Ito na ang hinihintay kong katuparan ng aking mga mithiin kasama ka. Dumagdag pa roon ang kaalamang makikilala ko na rin ang aking lola. Subalit, lahat ng kasiyahang nadarama ko sa kaibuturan ng aking puso’y nagkagulanit sa balitang hatid ng lola.

                Wala ka na pala papa…

                Napakasaklap… bakit hindi mo man lamang ako hinintay na makilala? Hindi mo ba nais mayakap ng mga mumunti kong bisig? Hindi mo ba nasang madampian ng isang mapagmahal na halik sa iyong pisnge? Hindi ka man lang nagpaalam papa…

                Ano pa nga ba ang magagawa ko kung hindi tumangis…

                “Dalawang taon na pala ang nakararaan simula ng ika’y pumanaw, ni hindi ka man lang nagparamdam!” iyon ang sambot ko minsang nagtungo ako sa simbahan. Pag-uwi ko ng hapong iyon ay bumuhas bigla ang pagkalakas na ulan. Basang-basa ako sa gilid ng daan habang naghihintay ng masasakyan. Kinagabihan ay pagkataas ng aking lagnat. Mag-isa lamang ako noon sa bahay. Sobrang ginaw, ni hindi ko man lang magawang bumangon upang isara ang bentilador. Hanggang sa igupo ako ng antok. Sa pagbalik ng aking malay ay komportable na ang aking pakiramdam. Patay na rin ang bentilador. Subalit mag-isa lamang ako sa kwarto. Nang tanungin ko si mama nang pumasok siya’y kadarating lamang di umano niya. Nabuo sa aking isip ang imahe mo mula sa larawang inilahad ni lola sa aking palad bago kami umalis noon sa kanilang munting tahanan. Alam ko, ikaw yun papa.

                Binabantayan mo ako hindi ba?

                Patunay noon ang paghingi ko sa iyo ng senyales ilang buwan na ang nakakaraan. Akala ko’y tuluyan na akong maliligaw sa maling landas. Subalit, sinagip mo ako. Nakita ko ang senyales na hiningi ko noon sa iyo. Nakakatawa nga dahil mukha akong baliw noon na sumisigaw sa kalangitan.

                Nababasa mo ba papa? Mahal kita papa. Hindi man kita nakilala. Hindi man kita nakasama. Mananatili ang mukha mo mula sa larawang bigay ni lola sa aking balintataw… sa aking puso. Kahit hindi mo ako pisikal na maihatid sa altar ay hindi ako magtatampo, dahil alam kong nakamasid ka sa aking bawat hakbang.

                Napalitan ka man ni mama sa kaniyang puso, mananatiling ikaw ang aking mahal na papa. Para sa iyo ang mga tagumpay na nakamit ko sa aking karera sa buhay. Alay ko sa iyo ang lahat ng pangarap na iyon.

                Sana papa masaya ka riyan. Huwag kang mag-alala babantayan ko si mama. Aalagaan ko ang kapatid ko. Kaya ngiti ka lang diyan, kahit konti lang.

                Maraming salamat papa.


Nagmamahal,

Marichu


Ito ay Lahok sa Saranggola Blog Awards 5





4 comments:

  1. Wow. Nakakaiyak naman te. Super close ako sa dad ko, hindi ko maimagine mangyari yan sa akin, yung mawala sya..

    Late na ba, condolence.

    Good luck ! God bless !!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Actually, matagal na rin siyang wala. Dalawang taon na siyang patay bago namin nalaman. Hmm, ngayon mga 7 years na rin siyang wala.

      Delete
  2. Tissue!!!! *sniff*

    enebeyen... ang lungkot namans... argh!!!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Huwag ka nga. Happy Ako kung nasaan man siya. :)

      Salamat sa pagbasa Fiel.

      Delete